Barangay Kagawad na di umano’y Sangkot sa Anomalya, Pinaiimbestigahan na!

*Cauayan City, Isabela-* Isasailalim sa pagdinig ng konseho ng Lungsod ng Cauayan ang isang barangay Kagawad sa Lungsod kaugnay sa pagtanggap umano nito ng Social Pension mula sa Gobyerno para sa mga benepisyaryo ng Senior Citizen.

Sa naging talumpati ni City Councilor Rufino Arcega sa isinagawang sesyon kahapon, hiniling umano nito sa konseho na dapat maalis sa tungkulin ang barangay kagawad na kinilalang si Luvi Evangelista ng Brgy. Marabulig Uno dahil labag aniya ito sa batas at lalong hindi pa ito ganap na senior citizen.

Ayon kay Arcega, inamin umano ni Kagawad Evangelista na siya ay 53 anyos pa lamang at hindi rin kabilang sa mga senior citizen na tumatanggap ng pension.


Inihayag din ni Arcega na inayos umano ng manugang ni barangay kagawad Evangelista na si Perlita Evangelista ang kanyang pension na empleyado naman ng LGU Cauayan upang maisama ito sa listahan ng mga senior citizen na tumatanggap ng benepisyo.

Nagpaalala naman si Arcega sa bawat public servant na maging tapat sa tungkulin at huwag manlamang sa kapwa.

Samantala, patuloy naman na kinukunan ng 98.5 iFM Cauayan ang panig ni Evangelista kaugnay sa nasabing isyu.

Facebook Comments