Echague, Isabela – Arestado ang isang barangay kagawad matapos na makumpiskahan ng baril habang nakikipag-inuman sa Brgy. Nilumisi, Echague, Isabela.
Kinilala ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Ruben Narciso, 35 anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Felipe, Echague, Isabela.
Sa ipinarating na impormasyon sa RMN Cauayan ni Police Senior Inspector Frances Littaua, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, inaresto si Narciso ng dalawang barangay tanod matapos nitong ilabas ang caliber 45 na baril habang nakikipag-inuman sa isang okasyon sa lugar.
Nakumpiska ng mga barangay tanod ang baril at ipinasakamay sa PNP Echague para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Nasa himpilan na ngayon ng PNP Echague ang naturang barangay kagawad para harapin ang kasong isasampa laban sa kaniya.