Barangay Kapitan Sa Ilagan City, Nagpakamatay?

Ilagan City, Isabela- Agad na namatay ang incoming Barangay Chairman ng Barangay Naguilian Norte Lungsod ng Ilagan matapos na magbaril sa sarili gamit ang kanyang kalibre kwarentay singkong baril.

Ayon sa nakuhang kaalaman ng RMN Cauayan sa PNP Ilagan, Ang kapitan ay kinilalang si Saturnino Caswe, apatnapu’t siyam na taong gulang may asawa at residente ng nasabing lugar.

Batay sa inisyal na pagsisiyat ng PNP Ilagan, bumangon sa kanyang kwarto ang kapitan pasado alas singko ng madaling araw kahapon at nagtungo sa kanilang storage room si barangay kapitan Saturnino Caswe at pagkaraan ng ilang saglit ay nakarinig ng isang putok ng baril ang asawa nito at nang tunguhin ang lugar ay nakita ang nakahandusay at naliligo sa sariling dugo ang nasabing kapitan.


Nagtamo ng isang tama ng bala ng kwarentay singko sa noo ang biktima at narekober sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala.

Samantala, agad namang isinailalim sa Paraffin test ang pamangkin ng biktima matapos linisin ang lugar na pinangyarihan ng insidente maging ang baril na ginamit ay isinailalim rin sa Ballistic examination.

Ayon pa sa imbestigador ng PNP Ilagan nahihirapan umano sila sa kanilang pagsisiyasat matapos na tumangging makipagtulungan ang kapamilya nito sa kanilang himpilan upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay ng naturang kapitan.

Facebook Comments