Barangay Kapitan sa Isabela, Inireklamo sa Tanggapan ni Pangulong Duterte

Cauayan City, Isabela- Iniimbestigahan ngayon ang pagkakasangkot ng isang kapitan ng Barangay Cataguing sa pagkakasama ng kanyang mga anak sa tumanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.

Ito ay matapos iparating ng isang residente sa lugar sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo na kinasangkutan ng opisyal.

Ayon kay Kapitan Harvey Deolazo, dumaan sa tamang proseso ang pagbibigay ng ayuda sa kanyang tatlong anak matapos nitong ipaalam ang sitwasyon sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at pinayagan umano ito ng nasabing ahensya kaya’t napabilang sa tumanggap ng P5,500.


Paliwanag ng kapitan, tinanong niya ang DSWD San Mariano kung maaaring maisama ang kanyang dalawang anak na kasama sa nalock-down sa Metro Manila at makauwi sa kanilang tahanan na sumasailalim sa 14 days quarantine habang ang isa pa ay mula naman sa Brgy. Zone 3 sa nasabing bayan.

Hindi naman lubos akalain ng kapitan na inireklamo siya ng isang residente sa lugar hinggil sa kanyang pagkakasangkot sa pagsama sa ayuda ng kanytang mga anak.

Samantala,agad namang isinauli ng kapitan ang pera na natanggap ng kanyang dalawang anak na siya namang ginamit sa isang residente na una nang hindi napasama sa tatanggap ng ayuda dahil sa mag-isa lang itong namumuhay.

Umani ng samu’t saring reaksyon ang nasabing ginang matapos kumalat sa social media ang kanyang larawan nang hindi ito mapabilang sa ayuda kaya’t makaraan na maisoli ang pera ay napagdesisyunan na ibigay ang ayuda sa nasabing indibidwal.

Sa kabila nito, handa naman si Kapitan Deolazo na sagutin ang reklamo hinggil sa pagkakadawit nito sa maanomalyang usapin sa SAP.

Facebook Comments