Cauayan City, Isabela-Inireklamo ng ilang benepisyaryo si Kapitan Agapito Castillo ng Barangay Mabini, Santiago City dahil sa ginawa umano nitong hatian ng tulong pinansyal na para lamang sa mga may maliliit na tindahan na labis na naapektuhan ng pandemya sa kanilang barangay.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay alyas “Maria”, inutusan umano ni Castillo ang chief tanod nito at tauhan na kunin ang P5,500 na ayuda sa isang benepisyaryo na Barangay Field Worker (BFW).
Dahil sa insidente, agad umanong dumulog sa lokal na pamahalaan ang nasabing worker para ipaalam ang ginawang paghahati at pagpapakuha ng pera ni Castillo sa kanyang mga tauhan.
Pagkaraan umanong pumutok ang isyu laban sa kapitan, agad umano nitong ipinabalik sa mga benepisyaryo ang nasabing halaga ng pera subalit hindi na tinanggap pa at sinasabi umano ng kampo ng kapitan na para mawala ang isyu ukol sa hatian.
Ayon pa kay alyas Maria,nagkaroon naman ng paliwanag ang kampo ng opisyal matapos na humarap ang Barangay Secretary na si Lean Petinez na sinasabing para sa livelihood, 4Ps at mga tanod ang nasabing pamamahagi ng tulong pinansyal.
Sinabi rin umano ni Petinez na para sa may mga business permit ang nasabing ayuda kung kaya’t palaisipan para kay alyas Maria na bukod tanging isa lang ang napasama na mabigyan ng ayuda sa kanilang purok ngayong lahat umano ng tindahan sa kanila ay may permit.
Iginiit ni alyas Maria na pinipili lang umano ang nabibigyan ng ayuda sa kanilang barangay kung saan laging nangunguna na mabigyan ng tulong ang Purok president.
Sa naging panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Kapitan Castillo, itinanggi niya ang alegasyon laban sa kanya at kanyang iginiit na bawal ang ganitong hakbangin na hatian ng ayuda.
Giit ni Castillo, may isa umanong tao ang pilit na sinusulsulan ang ibang mga residente laban sa kanya noon pa man.
Binigyang diin niya na maayos siyang nanunungkulan sa kanyang mga kabarangay kaya’t hindi umano niya gagawin ang kahit anumang anomalya.