Barangay Kapitan, Tinambangan ni Ex-Barangay Kapitan!

*Cauayan City, Isabela-* Nasa kritikal na kondisyon pa rin ang isang barangay Kapitan matapos tambangan ng dati rin na Brgy. Kapitan at isa pa nitong kasamahan sa bahagi ng Purok #3, Brgy. Gamis, Saguday, Quirino.

Nakilala ang biktima na si Barangay Kapitan Alfredo Bibangco, 48-anyos, residente ng Gamis, Saguday, Quirino habang ang suspek na dating Barangay Kapitan ay si Fernando Pelaez at kasama nitong si Joel Biscarra na kapwa residente sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad, habang pauwi ang biktima sa kanilang tahanan lulan ang kanyang minamanehong Mitsubishi L300 Van na may conduction sticker B2A029 ay bigla umano siyang pinagbabaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklong Honda TMX 125 na kulay itim.


Tinamaan si Bibangco sa kaliwang bahagi ng kanyang likuran ng hindi pa mabatid na uri ng baril.

Agad namang tumakas sa hindi pa mabatid na direksyon ang mga suspek habang isinugod naman sa Quirino Provincial Medical Center si Bibangco para sa kanyang karampatang lunas.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan P/Capt. Ricardo Francisco, Acting COP ng Saguday PNP, alitan sa pulitika ang nakikitang motibo sa krimen dahil hindi pa umano matanggap ng suspek ang kanyang pagkatalo sa nakaraang halalan sa barangay.

Sa isinagawang manhunt operation ng pulisya ay naaresto rin ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong attempted murder o tangkang pagpatay.

Facebook Comments