Kinumpirma ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na may isa pang barangay sa kanyang lungsod ang isasailalim sa total lockdown.
Simula sa Lunes, May 11, ay ipatutupad ang total lockdown sa Barangay Mauway hanggang Huwebes, May 14.
Ang nasabing barangay ay isa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Mandaluyong.
Batay sa tala ng pamahalaang lokal, nasa 71 ang confirmed cases ng COVID-19 sa nasabing Barangay, kung saan tatlo rito ang nasawi at 28 naman ang gumaling na.
Mayroon din itong 19 na bilang ng suspected cases at isang probable case.
Nauna nang ipinatupad ang total lockdown sa Barangay Addition Hills na tumagal naman ng isang linggo.
Pahayag ng alkalde, layunin ng total lockdown na ma-contain sa isang lugar ang kaso ng COVID-19 at maipatupad nang maayos ang gagawing rapid testing para maihiwalay agad ang mga posibleng carrier ng virus.