Lugar ng Magkakapamilya na Nahawaan ng COVID-19 sa Naguilian, Isinailalim sa Lockdown

Cauayan City, Isabela- Pansamantalang isinailalim sa ‘lockdown’ ang Purok 3 ng barangay Roxas sa bayan ng Naguilian, Isabela matapos magpositibo sa COVID-19 ang walong (8) magkakamag-anak.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Juan Capuchino, pinakamataas na naitala sa bayan ng Naguilian ang pagpositibo ng walong magkakamag-anak matapos ang 33 araw na walang naitalang positibo.

Ayon kay Mayor Capuchino, nahawaan ni CV1532 na isang Utility worker sa ospital sa nasabing bayan ang walong miyembro ng kanyang kapamilya na kasama nito sa iisang compound.


Asymptomatic o wala namang ipinapamalas na sintomas ng COVID-19 ang walong nagpositibo na kasalukuyang nasa quarantine facilities ng LGU.

Dinala naman sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) Santiago City si CV1532.

Nakapagbigay na rin ng food packs ang lokal na pamahalaan para sa mga residente na apektado ng lockdown.

Paalala ng alkalde sa mga kababayan na sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ng IATF.

Facebook Comments