Barangay ng Nagpositibo sa COVID-19 sa Region 02, Nagsagawa na ng Community Disinfection!

Cauayan City, Isabela- Nagsagawa na ng community disinfection ang barangay Caritan Norte, Tuguegarao City na kauna-unahang nakapagtala ng nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayan ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Captain Carlito Condoy, nang malaman aniya nito na may kababayan itong nagpositibo sa COVID-19 ay agad silang nagsagawa ng disinfection sa mga kabahayan lalo na sa bahay ng nagpositibong pasyente na binansagang PH275.

Nagsagawa rin aniya sila ng dis-infection sa kanilang barangay hall katuwang ang mga barangay Health Workers, officials at Tanod.


Magugunitang dumating noong Marso 11, 2020 sa Tuguegarao City ang isang lalaki na edad 44 na nakatalaga sa BFP Sta. Mesa, Manila at nang makauwi sa kanyang bahay sa Brgy. Caritan Norte ay nahirapan itong huminga kaya’t agad na dinala sa Divine Mercy Wellness Center at inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Una siyang napabilang sa mga Patient Under Investigation (PUI) at nag- positibo ito sa COVID-19 ayon sa pagsusuri ng DOH sa Research Institute on Tropical Medicine sa Maynila.

Paalala ng Kapitan sa publiko na huwag nang lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan at huwag pagala-gala sa lansangan upang maiwasan ang pagkahawa o pagkalat ng naturang sakit.

Samantala, ang barangay Caritan Norte ay mayroong kabuuang bilang na 47 Persons Under Monitoring (PUM) at isang (1) pasyente na positibo sa COVID-19.

Facebook Comments