Barangay officials na kinasuhan dahil sa anomalya sa SAP, umakyat na sa 134 ayon sa DILG

Sumipa na sa 134 ang bilang ng mga opisyal ng barangay na sinampahan ng kasong kriminal sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice (DOJ) dahil sa maanomalyang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, 320% ang itinaas nito mula sa naunang 42 barangay officials na nasampolan noong May 20, 2020.

Aniya, bunga ito ng pagdami ng mga taong lumutang upang magreklamo laban sa kanilang mga pinuno ng barangay.


Kabilang sa mga inireklamo ay ang barangay chairman, dalawang barangay kagawad at SK chairperson sa Boac, Marinduque dahil sa pangongolekta ng 50 pesos bilang processing fee sa kada SAP beneficiaries.

Ganito rin ang reklamo sa barangay chairman ng Binmaley, Pangasinan na nangolekta ng tig- P1000 sa bawat tumanggap ng ayuda.

Kinaltasan naman ng barangay chairman ng Sta. Maria, Ilocos Sur ng tig-P2,000 ang nasa 132 na SAP recipients.

Sa Sta. Maria, Ilocos Sur, sa Talisay City at sa Nasipit, Agusan del Norte, isinama sa mga benepisyaryo ang mga kamag-anak kahit hindi kwalipikado sa SAP.

Tiniyak ng DILG chief na hindi matatakasan ng mga tiwaling barangay officials ang kanilang panlolokong ginawa sa pamimigay ng ayuda.

Sinira aniya ng mga ito ang tiwala ng gobyerno na ipahawak sa kanila ang malaking pondo para makatawid sana ang mga mahihirap na Pilipino.

Sa kasalukuyan, siyam pang mga kaso ang inihahanda ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) habang 86 na iba pa ang sumasailalim sa case build-up.

Facebook Comments