Barangay secretary, pinatay ng dating nobyo; suspek, nagpatiwakal matapos

SOUTH COTABATO, Philippines — Pinaniniwalaang matinding selos ang dahilan ng pagpatay sa isang sekretarya ng barangay ng dati niyang live-in partner na nagpatiwakal din matapos ang krimen.

Kinilala ang biktima na si Letesia Dizon, 23, sekretarya ng Barangay Little Baguio sa Surallah, habang natukoy ang suspek na si Russel John Calibayan, 30, isang obrero.

Ayon kay Police Maj. Romy Castañares, hepe ng Surallah Municipal Police Station, Martes ng umaga nang magtalo ang dalawa sa harap ng barangay hall dahil umano sa pagseselos ng suspek.


Hanggang sa nauwi umano ang pag-aaway sa pananaga ni Calibayan kay Dizon na nagtamo ng apat na sugat sa katawan na agad nitong ikinamatay.

Matapos masawi ang biktima, sinaksak naman ng suspek ang sarili sa dibdib na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Dagdag pa sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang inireklamo ni Dizon ang pagiging sobrang seloso ni Calibayan.

Naulila sa nangyaring krimen ang 5-anyos na anak ng biktima.

Facebook Comments