BARANGAY VEHICLE NAHULOG SA ALCALA; KAPITAN PATAY, 9 SUGATAN

Cauayan City – Patay ang isang barangay kapitan habang siyam ang sugatan matapos mahulog ang sinasakyang barangay vehicle sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Pared, Alcala, Cagayan, kaninang madaling araw, Hulyo 18, 2025.

Kinilala ang nasawi na si Jesus Calatican, 54-anyos, Kapitan ng Brgy. Lablabig, Claveria. Sugatan naman ang mga kasama nitong sina China at Andres Rubio, Rosalie at Princess Udac, Edimar Pascua, Benelyn Martinez, Pedro Cabangin, at dalawang menor de edad mula sa mga barangay ng Lablabig at Kilkiling.

Ayon kay Herome Ibarra ng Alcala MDRRMO, papuntang Isabela ang grupo nang mawalan ng kontrol sa kurbada ang kapitan na siya ring nagmamaneho ng sasakyan. Hindi umano ito nakainom, ngunit posibleng hindi kabisado ang daan.

Naipit sa sasakyan si Kapitan Calatican at idineklarang dead-on-arrival sa ospital. Agad namang inasikaso ang mga sugatan at ilan sa kanila ay dinala sa Tuguegarao City para sa karagdagang medikal na atensyon.

Facebook Comments