
Dapat pirmahan at ipa-notaryo ni Attorney Levi Baligod at mga kasamahan nyang 18 dating Marines ang kanilang mga affidavit kung totoo ang kanilang alegasyon na dinalhan nila ng male-maletang pera mula kay dating cong. Zaldy Co ang ilang kongresista at iba pang personalidad.
Hamon ito ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na dating chairman ng House Quad Committee noong 19th Congress.
Giit ni Barbers, dahil hindi sinumpaan ay nagmukhang script ng isang drama skit sa barangay ang kwento nina Baligod.
Ayon kay Barbers, bilang abogado ay dapat alam ni Baligod na walang saysay at isang pirasong papel lang ang isang affidavit na hindi pinirmahan.
Diin ni Barbers, panis ang script nina Baligod at isang Zarzuela lang na ang layunin ay makapanira ng mga tao.
Magugunitang sa ilalim ng pamumuno ni Barbers ay masusing inimbestigahan noon ng House Quad Committee ang extra judicial killings sa ilalim ng war on drugs gayundin ang operasyon ng ilegal na droga at ng Philippine Offshore and Gaming Operators.










