
Naghain ng supplemental affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kampo ni beauty queen Michelle Dee kaugnay ng reklamo nitong cyber libel laban kay content creator Christian “Xian” Gaza.
Ayon kay Atty. Maggie Garduque, abogado ni Dee, may nakalap silang mga karagdagang ebidensiya sa mga aniya’y paninirang-puri laban sa kanyang kliyente.
Sinabi ni Atty. Garduque na na-verify na rin ang account na ginagamit ni Gaza at ito ay na-authenticate, na isang mahalagang requirement upang maisulong ang reklamo sa Office of the City Prosecutor.
Iginiit din ng kampo ni Dee na malinaw na may actual malice sa mga posts ni Gaza laban sa beauty queen.
Binigyang-diin din ni Garduque na kahit isang public figure si Michelle Dee, maaari pa rin siyang magsampa ng cyber libel case basta’t mapatutunayan ang actual malice.
Sa Makati isinampa ang reklamo dahil residente ng lungsod si Dee.
Maaari naman aniyang magsumite ng counter-affidavit si Gaza sa Philippine Embassy dahil siya ay nasa ibang bansa.
At kapag ang reklamo ay naihain na sa korte at naglabas ng warrant of arrest, maaari nang hilingin sa Interpol ang red notice upang matunton at maaresto ang respondent.










