Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na muling makapag-operate ang mga salon at barbershop sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, 30% ang magiging operational capacity ng mga salon at barberya pagsapit ng June 7 sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at makalipas ang dalawang linggo, i-aangat na sa 50% ang kanilang operational capacity.
Samantala, sa mga lugar naman na sakop na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), 50% muna ang operational capacity ng mga salon at barbershops, at pagkatapos ng tatlong linggo ay maaari na silang maging full operational.
Paalala ni Roque, magiging limitado ang papapasukin sa mga salon at barberya, at mahigpit na ipatutupad ang mga health safety protocol tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.
Giit pa ng kalihim, tanging ang mga salon at barbershops lamang ang pinapayagang magbalik-operasyon dahil mananatili paring sarado ang facial spa, manicure at pedicure salon, waxing at eyebrow salon.