Nasamsam ang baril at tinatayang ₱134,640 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang search warrant operation laban sa isang lalaki sa Bani, Pangasinan noong Marso 18, 2026.
Sa operasyon, isinilbi ng mga operatiba ng Bani Municipal Police Station ang dalawang search warrant kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa tirahan ng 41-anyos na suspek.
Nakumpiska ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu, kabilang ang anim na heat-sealed sachet at isang bukas na sachet, na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 19.8 gramo.
Nasamsam din ang dalawang baril, apat na magazine, at kabuuang 77 piraso ng bala ng iba’t ibang kalibre.
Bukod dito, narekober din ang iba’t ibang non-drug evidence gaya ng drug paraphernalia, mga lalagyan, at iba pang gamit na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na aktibidad.
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bani Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon, habang isusumite ang mga hinihinalang iligal na droga sa Pangasinan Forensic Unit para sa pagsusuri.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek para sa paglabag sa umiiral na mga batas hinggil sa ilegal na droga at baril. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







