BARIL AT HINIHINALANG SHABU, NASAMSAM SA ISANG LALAKI SA SANTIAGO CITY

Cauayan City – Nasakote ang isang lalaki matapos na positibong masamsaman ng baril, mga bala, at hinihinalang shabu sa Brgy. Mabini, Santiago City, Isabela kahapon ika-31 ng Enero.

Sa pagsisilbi ng mga awtoridad ng search warrant na inilabas ng korte laban sa suspek, nakuha sa pag-iingat nito ang isang unit ng Armscor 9mm pistol na may magazine na naglalaman ng 6 na piraso ng 9mm ammunition, isang replica pistol, at 5 piraso ng bala ng caliber 40.

Bukod pa rito, nasamsam rin ang 1 piraso ng maliit na silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 3.8 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P24,480, isang plastic organizer, toolbox, at handbag.


Matapos ang operasyon ay kaagad na dinala sa himpilan ng Santiago City Police Station 4 ang mga nakumpiskang ebidensya maging ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments