Manila, Philippines – Kinumpirma ni Muntinlupa City Police Chief Dante Novicio na 4 ang patay sa nangyaring engkwentro kaninang pasado alas ocho ng umaga sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City.
Ito ay makaraang bawian na rin ng buhay ang isa pang suspek na dinala sa ospital habang ito ay nilalapatan ng paunang lunas.
Kabilang sa mga nasawi ang 2 tauhan ng Bureau of Jail Management & Penology na sina Jail officer 2 Elmer Malibdao at Jail officer 1 Felino Salazar at ang isa pang suspek na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinundan ang 2 tauhan ng BJMP ng riding in tandem ng 2 hanggang sa 3 motorsiklo at nang malapit na sila sa Muntinlupa City Jail tsaka sila pinagbabaril ng mga suspek.
Ayon naman kay Muntinlupa BJMP Chief Insp.Patrick Rubio sa ngayon inaalam na nila ang background ng kanilang 2 nasawing tauhan kung bakit tinarget ang mga ito ng riding in tandem.
Pero base sa paunang impormasyon, si Jail officer 1 Felino Salazar ay galing sa Metro Manila District Jail bago madestino sa Muntinlupa City jail
Samantala, isang Bucor Personnel at 1 pang armadong lalake na nasa crime scene ang hawak na ngayon ng mga otoridad at kinokonsidera na bilang persons of interest.
Sa ngayon inaalam pa ang tunay na motibo hinggil sa nasabing insidente.