Bantay-sarado ng Philippine Coast Guard o PCG Aduana ang isang barkong may kargang “mineral ore” na nasa Sta. Cruz, Zambales upang matiyak na hindi ito makakaalis ng karagatan ng ating bansa.
Batay sa PCG, unang ipinatupad ang cease and desist order o CDO laban sa shipment ng mineral ores na nakakarga sa MV Van Knight, at naka-consign sa Yinglong Steel Corporation (YSC).
Sinabi ng PCG na base sa Bureau of Customs o BOC, ang barko ay magdadala ng mineral ores sa China pero base naman sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), ang mineral ore export ng YSC ay suspendido mula January 12, 2023.
Ito ay dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1586 o Establishing an Environmental Impact Statement System, including other Environmental Management Related Measures and for other Purposes; at alinsunod sa isang kautusan na may petsang December 23, 2022 ng Office of the President.
Sa kasalukuyan, may mga nakatutok na tauhan ng PCG Task Force Aduana sa barko para hindi ito makapaglayag o maipuslit ang kargang mineral ores.