BARMM transition, pinare-review ng Kamara

Pinarereview ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman sa Kamara ang mga nagawa para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bago ang planong pagpapalawig sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Ayon kay Hataman, maghahain siya ng resolusyon para imungkahi sa Pangulo na magsagawa muna ng midterm review sa Kamara upang ma-assess kung ano pa ang kinakailangan at dapat na gawin sa rehiyon.

Sisilipin dito ang gains, accomplishments, mga programa at mga bahagi na kinakailangan pang i-develop nang sa gayon ay mabigyan sila ng malinaw na roadmap hinggil sa pangangailangan na mapalawig pa ang Bangsamoro transition.


Isasama rin sa gagawing review ang Local Government Units (LGUs), iba’t ibang sektor at mga mahihirap upang mas maging malawak ang saklaw ng partisipasyon.

Naniniwala si Hataman na magreresulta sa pagiging ‘counterproductive’ at pagkakahati-hati ng rehiyon kung wala namang basehan ang extension ng BARMM transition.

Sa naunang pagdinig sa Kamara ay inihayag ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na bukas ang Presidente sa tatlong taong pagpapalawig sa BTA ngunit ipinauubaya naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang hakbang na ito.

Facebook Comments