Baron Geisler, planong ipasok sa rehab paglabas ng kulungan

191

Manila, Philippines – Balak na ngayon ng pamilya Geisler na maipasok na muli sa rehabilitation center si Baron Geisler.

Kasunod ito ng pagkakalulong muli ng aktor sa matinding pag-inom ng alak.

Ayon sa kanyang nakatatandang kapatid na si Donald David Geisler, kukumbinsihin ng iba pang miyembro ng pamilya ang aktor paglabas nito ng piitan.

Si Baron ay nakakulong pa rin sa Quezon City Police District (QCPD) station 10 dahil sa kinakaharap na kasong alarm and scandal at unjust vexation dahil sa pagwawala sa loob ng TGIF o Fridays restaurant noong gabi ng Lunes.

Pero nilinaw ng nakatatandang Geisler na ang rehabilitation ay isang usapin na ang tanging makakapagdesisyon ay ang mismong taong kailangang i-rehab.

Hindi tuluyang nakalabas ng kulungan si Geisler kahapon dahil walang judge na tatanggap sa kanyang apat na libong pisong piyansa bukod pa sa nakalkal ng QCPD na isa pa nitong kaso sa Lapu-Lapu City.

Facebook Comments