Ikinadismaya ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na kasama sa ikinokonsidera ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtatakda ng minimum wage ang kontrobersyal na poverty threshold.
Ang tinutukoy ni Brosas ay ang poverty threshold na ₱13,873 na kita kada buwan ng isang pamilyang lima ang miyembro kung saan ₱91 kada araw ang gastos para sa pagkain.
Pero paliwanag ng DOLE, hindi lang naman ito ang basehan sa pagdetermina ng minimum wage kundi ang 10 criteria na nakapaloob sa Republic Act 6727.
Kabilang dito ang pangangailangan ng isang pamilya, ilan ang nagtatrabaho sa pamilya, kakayahan ng employers na magpasweldo at requirment para sa economic development.
Ipinaliwanag din ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na alinsunod sa konstitusyon ay kailangang balansehin ang panig ng mga manggagawa at hanay ng mga negosyante o mamumuhunan.