Basta’t makatutulong na manalo, Lacson pabor sa MarSo?

Pabor diumano si dating Partido Reporma presidential bet Panfilo “Ping” Lacson kung kanino man ipares si Senate President Vicente Tito Sotto lll basta’t makatutulong aniya sa kandidatura ng kanyang orihinal na kaalyado para sa Mayo 9, 2022.

Dahil dito, malamang na pabor din si Lacson sa maugong na balita ngayon sa mga pahayagan, maging sa radyo at social media platforms na MarSo o Marcos-Sotto tandem.

Si Bongbong Marcos ng UniTeam ang siyang nangunguna ngayon sa lahat ng mga naglabasang presidential survey.


Ayon kay Lacson, pwede rin diumanong ampunin si Sotto ng isa pang presidential bet na si Manny Pacquiao ng Promdi bilang kanilang common vice presidential bet, o ng ibang grupo.

Ang orihinal na vice presidential bet ni Pacquiao ay si Buhay Rep. Lito Atienza na nagdadalawang-isip kung itutuloy pa nito ang laban matapos sumailalim sa isang operasyon.

Dahil sa pahayag ni Lacson, naniniwala ang MarSo group na lalo pang lumakas ang tsansa ng pambato ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na si SP Sotto na pumapangalawa sa lahat ng VP bet survey.

Sari-saring sectoral groups ang nagsusulong sa MarSo tandem na viral na ngayon sa social media na dinadagsa ng mga komentong pabor kay Sotto dahil sa kanyang karanasang politikal, pagiging respetadong artista, at batikang senador.

Samantala, ayon sa isang insider, mayorya na diumano ng mga miyembro ng NPC, na itinatag ng yumaong pilantropo na si Eduardo ‘Danding’ Cojuangco Jr., ang sumusuporta para sa tambalang MarSo.

Inaasahan din umano nila na makakahatak ng malaking suporta si Sotto sa alyansang MarSo.

Facebook Comments