Nanawagan si Senator Imee Marcos na kailangang ituring bilang frontliners tulad ng mga medical staff ang mga basurero, street sweeper, janitor at iba pang mga manggagawa na katuwang sa paglilinis ng mga komunidad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Giit ni Marcos, dapat siguruhing makakatanggap din ang mga sanitation workers ng suportang pinansyal para sa mga frontliners.
Dagdag pa ni Marcos, dapat din isama at ituring na frontliners ang mga sundalo, pulis, immigration personnel, couriers at cargo handlers ng mga suplay ng pagkain at maging mga drayber ng shuttle service para sa mga staff ng mga ospital.
Sa pagtaya ni Marcos, ay posibleng tumagal pa ang pinatutupad ng pamahalaan na lockdown sa buong Luzon, kaya inihain ni Marcos ang Senate Bill 1414 para masiguro ang proteksyon ng mga frontliners pati na rin ng mga ordinaryong mangagawang mawawalan ng kikitain dahil sa krisis dulot ng COVID-19.
Isinusulong sa nasabing panukalang batas na palawigin ang P200 bilyong emergency budget hanggang P750 bilyong piso na nakalaan sa isang programang tinawag ni Marcos na Pag-ASA: Alaga, Sustento, Angat.