Isang bata sa China ang maagang naharap sa may ‘kabigatang’ responsibilidad.
Kinailangan ni Lu Zikuan, 11-anyos, na kumain nang limang beses o higit pa sa isang araw upang mahabol ang timbang na kailangan para madugtungan ang buhay ng kanyang ama.
Agosto nakaraang taon nang sinabi ng doktor na kailangang sumailalim sa bone marrow transplant ang kanyang ama dahil sa leukemia na pitong taon na nitong nilalabanan.
Base sa ginawang exams, lumabas na tanging si Zikuan, na panganay sa magkakapatid, lamang ang nag-match at maaaring mag-donate ng bone marrow sa ama.
Ngunit para maisagawa ang operasyon, kinakailangan munang tumimbang ni Zikuan ng 45 kg–mas mabigat ng 15 kg sa kanyang timbang nang araw na iyon na 30 kg.
Sa kagustuhang humaba pa ang buhay ng ama, pumaspas sa pagkain nang marami at matatabang pagkain ang bata.
Umabot sa punto na tinutukso na siya sa paaralan dahil sa pagtaba niya, ngunit natigil ang tuksuhan nang malaman nila ang dahilan sa likod nito.
Pero ani ng bata, “Save dad first, lose weight later.”
Hindi naging madali ang sitwasyon ng pamilya ni Zikuan– habang nag-iipon para sa operasyon ay kailangan gumastos sa pagkain ng bata.
Naghihintay na nga lang daw ang ina nito sa mga discount sa karne sa pinagtatrabahuhan na grocery store.
Sinimulan na rin ng paaralang pinapasukan ni Zikuan ang fund-raising para sa kanilang pamilya.
Goal ni Zikuan na umabot nang 50 kg gaya ng napagkasunduan nila ng ama, na siya ring naging hiling ng bata nitong International Children’s Day.