Isang ina mula sa Colorado ang nagbigay babala sa Facebook matapos makaranas ng “tick paralysis” ang kaniyang 7-anyos na anak makaraang mag-overnight camping trip ito.
Kuwento ni Heidi Ganahl sa post, nakitaan niya ng ilang garapata sa ulo si Jenna pagkauwi nito galing camping.
Dahil laking Colorado at tila sanay na sa garapata, tinanggal ni Heidi ang mga ito at binantayan ang mga bahaging may kagat.
Kasunod nito ay nagkaroon ng rashes ang bata na akala raw nila ay maliit na bagay lang.
Makalipas ang ilang araw nang maparalisa ang mga paa ni Jenna na umabot kinabukasan kaya’t dinala na ang bata sa ospital.
Napag-alaman na nagkaroon ng tick paralysis si Jenna, sanhi ng neurotoxin na inilalabas ng mga garapata.
Madalang na kaso ang tick paralysis at maaaring ikamatay kung hindi maagapan.
Lumabas na kahit tinanggal na ni Heidi ang mga garapata ay may naiwang bahagi nito sa ulo ng bata, na siyang nilinis ng doktor at nagpabuti ng pakiramdam ni Jenna.
Kaya payo ng ina sa iba, gumamit ng tsani sa pagbunot ng garapata at tiyaking walang naiwan at malinis ang sugat.