Bata sa US, patay matapos ihagis sa bangin ng sariling ama

Arestado ang isang lalaki mula California, US dahil sa pagkasawi ng kanyang 1-anyos na anak matapos niya itong ihagis sa bangin.

Sa report ng California police, nangyari ang krimen noong Mayo 6, Miyerkules bandang alas 9 a.m.sa Coachella Valley.

Una na raw sinaksak ng suspek na si Adam Slater, 49, ang ina ng bata saka iniwan sa isang parking lot sa Indian Wells at agad nagtungo sa Highway 74.


Bigla raw kinuha ni Slater ang anak mula sa isang good samaritan na tumulong nang mabangga ang kanilang sasakyan.

Sa kasamaang palad ay sinaksak din umano ng suspek ang naturang nagmagandang-loob.

Matapos nito ay walang anu-anong inihagis niya umano ang sariling anak sa bangin.

Kakasuhan ng homicide ang suspek sakaling makalabas na umano ng ospital habang nagpapagamot dahil sa mga tinamo nitong sugat mula sa aksidente.

Samantala, nakaligtas naman ang ina ng bata na si Ashley Grome, 23, na labis umano ang pagdadalamhati.

Sa ngayon ay inaasikaso nito ang pagpapalibing sa kanyang paslit.

Facebook Comments