Cauayan City, Isabela- Lalong naghigpit ang pamahalaang Panlalawigan ng Batanes sa lahat mga turista na magtutungo sa probinsya sa kabila ng pagkakatala ng isang (1) kauna-unahang kaso ng COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, PDRRM Officer ng Batanes, nakikusap aniya ito sa lahat na huwag munang pumasok sa kanilang probinsya at hinihiling ang kooperasyon ng bawat isa para hindi lalong kumalat ang COVID-19.
Nanawagan din ito sa mga kakababayan na nasa ibang probinsya na hanggat maaari ay huwag munang umuwi sa lalawigan upang mapanatili at hindi na madagdagan ang isang (1) naitalang nagpositibo.
Hindi rin aniya tatanggap ng turista ang Batanes hanggat hindi pa natatapos ang pandemya na dulot ng COVID-19.
Tanging mga Locally Stranded Individual (LSI’s), Returning Overseas Filipinos (ROF’s) at mga Authorized Person’s Outside Residence (APOR) lamang ang pinapayagang makapasok sa Lalawigan.
Ayon pa kay Ginoong Esdicul, nakaalerto aniya ang mga nagbabantay sa kanilang quarantine control points (QCP) na nakalatag sa mga entry at exit points ng probinsya upang matiyak na walang makapasok na hindi dumaan sa tamang proseso.