Batang 12-anyos pababa, bawal nang umupo sa front seat ng sasakyan sa Feb. 2

Pagbabawalan nang umupo sa harapang upuan ng pribadong sasakyan ang mga batang may edad 12-anyos at pababa simula bukas February 02, 2021.

Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Child Safety in Motor Vehicles Act, kung saan kailangang mayroong Child Restraint Systems (CRS) para sa mga batang sakop ng nasabing age target.

Papayagan lamang silang umupo sa front seat kapag naabot nila ang 4’11’’ height requirement.


Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Service Deputy Director Robert Valera, makatutulong ang child restraints para hindi tumilapon o mauntog ang mga bata sakaling may biglaang pagpreno o mabangga ang sasakyan.

Hindi muna sila manghuhuli ng mga lumalabag sa susunod na buwan habang nakatuon sila sa information dissemination hinggil sa bagong batas.

Sa ilalim ng implementing rules and regulations, ang mga driver na lalabag ay pagmumultahin ng 1,000 pesos sa unang offense, 2,000 pesos sa ikalawang paglabag at 3,000 pesos at isang taong suspensyon ng driver’s license para sa ikatlo at mga susunod pang paglabag.

Exempted sa batas ang mga batang mayroong medical emergencies.

Facebook Comments