Nagtamo ng malubhang lapnos sa ilang parte ng katawan ang 12-anyos na lalaki mula Michigan matapos itong sumali sa tinatawag nilang fire challenge sa social media.
Ayon sa ina ng bata, si Tabitha Cleary, nauwi sa second degree burn sa baba, dibdib, at tyan ang anak matapos ang naturang challenge na nangyari umano sa bahay ng kaibigan nito.
Narinig na lamang raw niya ang sigaw ng anak nang dalhin ito ng kaibigan sa kanilang bahay sakay ang isang bisikleta.
“And I immediately started to freak out, “Take him to the hospital, take him to the hospital!” sabi ni Tabitha.
Hindi na raw niya napigilan ang pag-iyak nang isugod nilang mag-asawa ang kanyang anak sa ospital.
Inilarawan naman ng bata ang nangyari nang makapanayam ito.
Isang nail polish remover umano ang ginamit na panunog sa kanya.
“The first time it was like, a little tiny fire. Then they swatted it off,” sabi niya.
Dahil mahina raw ito sa unang pagkakataon, sinindihan pa siya ng pangalawang beses kung saan agad na kumalat ang apoy sa kanyang buong katawan.
Hindi naman naglabas ng pahayag ang Children’s Hospital of Michigan kung saan kasalukuyang nagpapagaling ang bata.
Kinumpirma naman ng Dearborn Heights police na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyari.
Samantala, ang fire challenge ay mangyayari umano sa pamamagitan ng pagbubuhos ng anumang uri ng flammable liquid sa buong katawan gaya ng alcohol saka ito sisimulang sindihan.
Sinasabi ring nangyayari na umano ang naturang challenge sa loob ng ilang taon.