KERALA, India – Nauwi sa kamatayan ng 3-anyos na lalaki ang pagtanggi ng tatlo umanong ospital na tanggapin ang bata matapos makalunok ng barya.
Sa report ng Indian news websites, paniniwala ng mga kaanak ng batang si Prithviraj, hindi ito tinanggap ng mga doktor dahil sa takot na mayroon siyang COVID-19.
Nangyari ang insidente noong umaga ng Sabado nang dalhin ang biktima ng kanyang mga magulang sa ospital sa Aluva kung saan lumabas sa X-ray ang barya na kanyang nalunok.
Pero tumanggi raw ang ospital dahil wala ang kanilang paediatric surgeon kaya pinalipat daw sila nito sa Ernakulam General Hospital.
Nang masuri ang kalagayan ng bata sa EGH, pinapunta naman sila ng mga doktor sa Government Medical College Hospital para sa mas ligtas umanong alagang medikal.
Ayon sa Medical superintendent ng ospital, nakitaan ng barya sa tiyan ng bata ngunit hindi raw ito lubhang delikado.
Aktibo pa raw ito at hindi kinakitaan ng hirap sa paghinga kaya mas maige raw na sa medical college ito dalhin kaya agad siyang inilipat ng pamily sa Allappuzha Medical College dahil ito umano ang pinakamalapit.
Nang makarating sa ikatlong ospital, hindi rin tinanggap ang bata bagkus, pinayuhan daw ng mga doktor ang magulang na pakainin na lang ito ng saging para maidumi ang nalunok na barya.
Ayon sa mga magulang, iniuwi nila ang anak dahil wala umano silang pera at kakayahang maipunta pa ito sa mas mamahaling ospital.
Ngunit kinagabihan daw ng araw na iyon, nagsimulang lumala ang kondisyon ng bata at hindi tumigil sa pag-iyak.
Isinugod nila ito sa isang government hospital kung saan na siya binawian ng buhay.
Sa inilabas na pahayag ni Kerala Health Minister K.K Shailaja, kailangang magsagawa ng aksyon sakaling mapatunayang may nakitang mali sa nangyari.
Samantala, ayon naman sa news agency na Press trust of India, lumabas sa swab test ng bata na negatibo siya sa COVID-19.
Nagsagawa na rin ng awtopsiya ang police surgeon para alamin ang tunay na ikinamatay ng bata.