Manila, Philippines – Malaki ang tsansa na maipasa ang martial law extension sa Mindanao sa nakatakdang joint session ng Kongreso sa Miyerkules.
Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, formality na lamang ang mangyayari sa Miyerkules para sa pag-apruba ng rekomendasyon ng isang taon pa na pagpapalawig sa batas militar at suspensyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao.
Malaki aniya ang suporta na ibinibigay ng liderato ng Kamara sa martial law extension.
Sinabi pa ni Suarez na maging siya sa oposisyon ay sinusuportahan ang hiling ng AFP at PNP dahil sila ang mas nakakaalam sa tunay na sitwasyon sa Mindanao.
Katwiran nito, wala man tayong nakikitang barilan o gyera sa ngayon pero hindi ibig sabihin na talagang ligtas na laban sa mga terorismo ang Mindanao at posible pa ring mangyari sa ibang bahagi ng rehiyon ang naganap na pagsalakay ng mga terorista tulad sa Marawi.
Dahil dito, hinikayat ni Suarez ang mga kasamang kongresista na suportahan at bumoto ng pabor sa martial law extension.
Nauna dito ay tiniyak na ni House Speaker Gloria Arroyo kay Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigyan ng Kongreso ang pagpapalawig sa martial law hanggang sa Disyembre ng 2019.