Manila, Philippines – Itinuturing ng Department of Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang isang vote of confidence ang pag-apruba ng joint session ng Kongreso sa panibagong isang taong extension ng martial law.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng pagpapaabot ng kanyang pasasalamat sa mga mambabatas sa tiwalang ipinagkaloob sa militar.
Nagpasalamat din ang kalihim sa sambayanang Pilipino, partikular sa mga taga-Mindanao sa suporta na naging daan sa pag-apruba ng extension ng martial law hanggang December 31, 2019.
Tiniyak naman ni Lorenzana na patuloy na gagampanan ng AFP ang mandato nito na protektahan ang soberenya ng Pilipinas, depensahan ang pambansang teritoryo at itaguyod ang demokratikong pamumuhay ng mga Pilipino.
Kasabay nito ang pagrespeto ng militar sa karapatang pantao, international humanitarian law at rule of law.