Ganap nang batas ang panukala na layong magbigay ng karagdagang benepisyo sa mga solo parent at sa anak ng mga ito.
Sa ilalim ng Republic Act no. 11861, nakasaad ang paggagawad ng flexible work schedule sa solo parent employee, monthly cash subsidy para sa minimum wage earners, at scholarship para sa mga ito at sa kanilang anak.
Gagawaran din ito ng karagdagang parental leave benefits, upang mabalanse nila ang trabaho at responsibilidad sa kanilang anak, partikular sa mga kaganapan kung saan kailangan ang presensya ng magulang.
Automatic din na magkakaroon ng health insurance ang mga ito, sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP) ng Philippines Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa ilalim ng batas, pinalawig din ang kahulugan ng solo parent.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan, ay magdi-develop ng comprehensibong social protection services package para sa solo parent at anak ng mga ito.
Ganap itong naging batas noong ikaapat ng Hunyo, 2022, at magiging epektibo 15 araw makaraang mailathala sa mga pahayagan.