Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nag-aamyenda sa Foreign Investment Act para mas makahikayat pa ng mga dayuhang mamumuhunan.
Layon ng Republic Act 11647 na pinirmahan noong Miyerkules na paghusayin pa ang technology transfer, maitaas ang foreign exchange mula export, at magbigay daan sa mas mataas na kita sa buwis.
Sa ilallim ng amended Foreign Investments Act, itatatag ang Inter-Agency Investment Promotion Coordination Committee (IIPCC) na pangangasiwaan ng Department of Trade and Industry.
Sa pamamagitan ng batas na ito ay maaari na ring mamuhunan ang mga dayuhan sa domestic enterprise ng hanggang 100-percent.
Nakasaad din dito na maaari nang mag-may-ari ang dayuhan ng Small-Medium Enterprises kung ang mayorya ng kanyang empleyado ay Pilipino o hindi bababa sa 15 Pinoy.
Habang ang mga negosyo naman sa export ay kailangang irehistro at sumunod sa National Internal Revenue Code.