Nagbabala ang ilang kongresista sa posibleng pagtaas sa presyo ng mga serbisyo bunsod ng pagsasabatas sa pag-amyenda ng Public Service Act (PSA).
Ito ang naging babala ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11659.
Giit ni Zarate, ang amyenda sa PSA ay walang pinagkaiba sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Oil Deregulation Law.
Aniya, ang PSA amendments na pinapayagan na ang full foreign-ownership at kontrol sa ilang mga public services ay gumagamit ng parehong economic framework ng mga nabanggit na batas.
Pinuna ng kongresista na ginawa ang mga batas para makatulong sana sa mga Pilipino ngunit sa halip ay mas lalo pang tumaas ang presyo ng kuryente at langis.
Babala ng mambabatas, sa pagtagal ng panahon ay hindi malayong mangyari rin sa PSA amendments ang pagtaas sa presyo ng telecommunications, shipping at airfares.
Aniya pa, hindi malabong dahil sa batas ay angkinin na rin ng mga dayuhan ang mga kompanyang pagmamay-ari ng mga Pilipino.