Batas na nag-aatas ng water collection sa bawat barangay, dapat ipatupad

Iginiit ni Senator Sonny Angara ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 6716 o ang Rainwater Collector and Springs Development Act of 1989.

Inaatasan ng batas ang lahat ng barangay na magkaroon ng rainwater collector system upang mapigilan ang mga pagbaha at tiyaking may malinis na tubig na nakaantabay pagdating ng tagtuyot.

Itinatakda ng batas ang paglikha ng waterworks and sanitation association sa bawat barangay na siyang magpapatakbo sa mga pasilidad na gagamitin sa koleksyon ng ulan.


Diin ni Angara, ang mahigpit na implementasyon ng batas ay daan para hindi na maulit ang pagdurusa ngayon ng mga residente sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lugar dahil sa problema sa suplay ng tubig mula sa Manila Water.

Ayon kay Angara, napatunayan na ng ating mga karatig-bansa sa Asya tulad ng India, Malaysia, Thailand at Singapore na epektibo ang rainwater harvesting.

Kaugnay nito ay hinimok din ni Angara ang Local Govenment Units na magpasa ng mga ordinansa para maipaloob sa kani-kanilang Environmental Laws ang rainwater collection system.

Facebook Comments