Batas na nagbibigay lifeline subsidy extension sa mga mahihirap na kumokonsumo ng kuryente, pirmado na ni Pangulong Duterte

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang panukalang nagpapalawig sa electricity lifeline rates para sa mga mahihirap na pamilya hanggang taong 2051.

Sa ilalim ng Republic Act 11552 na siyang nag-aamiyenda sa Section 73 ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA Law, pinapahaba nito ang pagpapatupad ng socialized pricing system para sa marginalized households.

Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang magtatakda ng lifeline rate para sa lahat ng kwalipikadong marginalized end-users kung saan ma-e-exempt sila mula sa anumang cross subsidy phase out sa loob ng 50 taon, maliban na lamang kung palalawigin muli ng batas.


Ang mga qualified marginalized end-users ay ibabase sa mga household beneficiaries sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) o sa mga nasertipikahan ng kanilang distribution utilities batay na rin sa criteria ng ERC.

Ang ERC ang bubuo ng rules at guidelines para sa mga qualified marginalized end-user o mga mayroong metro o service connections na hindi nakarehisto ang kanilang pangalan.

Ang lifeline subsidy ay para sa mga kumokonsumo ng higit 100 kilowatt hour o mababa pa sa loob ng isang buwan ay unang inaprubahan para sa 10 taon sa ilalim ng RA 9136 noong 2001 at pinalawig ito ng dagdag na 10 taon sa ilalim ng RA 10150 noong 2011.

Ang batas ay nilagdaan ni Pangulong Duterte noong May 27 at magiging epektibo 15 araw pagkatapos ito mailathala sa Official Gazette o anumang pahayagan.

Facebook Comments