Nanawagan ang Malacañang sa Kongreso na magpasa ng batas na layong bigyan ng exemption mula sa buwis ang mga cash prize ni Olympic Gold medalist Hidilyn Diaz.
Ito ang pahayag ng Palasyo kasunod ng balak ng Senado na kausapin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na i-exempt si Diaz mula sa tax kasunod ng kanyang tagumpay sa 2020 Tokyo Olympics.
Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, gusto ng lahat ng mga Pilipinas na makuha ni Diaz ng buo ang kanyang mga premyong natanggap matapos masungkit ang unang Olympic gold medal.
Para magkaroon aniya ng tax exemption, kailangang magkaroon ng batas kaya kinakalampag niya ang Kongreso para bumuo nito.
Mula nitong July 28, si Diaz ay makakatanggap ng kabuoang ₱43.5 million mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
Kaugnay nito, sinabi ni BIR Deputy Commissioner for Legal Group Marissa Cabreros na ang mga premyong ipinagkaloob sa mga winners ng Olympic games at iba pang amateur competitions ay tax-exempt sa ilalim ng Tax Code.
Pero ang mga premyo mula sa pribadong sektor ay papatawan ng anim na porsyentong donor’s tax na manggagaling mula sa donor at hindi mula sa makakatanggap o recipient.