Cauayan City, Isabela-Ipinanukala ni Quirino Lone District Rep. Junie E. Cua at chairperson ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang Capital Market Development Bill na layong mas umangat pa ang kasalukuyang sistema ng pension ng mga manggagawa sa pribadong kumpanya.
Ayon sa mambabatas na may akda sa panukalang batas, kung maipapasa ito ay madadagdagan ang Employee Pension and Retirement Income (EPRI) bukod pa sa kanilang matatanggap mula sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
Ayon pa sa mambabatas, sadyang napakaliit ang naiipon ng empleyado kapag nagreretiro at kulang na kulang talaga kaya kinakailangang palawakin at patatagin ang pension system sa bansa.
Paliwanag ni Cua, noon pa sana ay may EPRI Account na ang bawat empleyado at ito ay permanente hanggang sa pagretiro.
Ito ay popondohan ng mga employer at empleyado at pagdating ng edad na 60 at hindi lalagpas ng 65 na siyang mandatory retirement age, ay maaari nang makuha ng may-ari ng account ang mga benepisyong nasa ilalim ng batas na ito.
Nakapaloob rin sa sa ilalim ng nasabing bill na maglaan ang empleyado ng isang porsiyento mula sa kanyang isang taong kita habang apat na porsiyento naman ang magmumula mula sa mga employer.
Ang empleyadong minimum wage ang tinatanggap ay wala nang ibibigay na kontribusyon.