Batas sa mandatory COVID-19 vaccination, nakadepende sa Kongreso – Malakanyang

Ipapaubaya na ng Palasyo ng Malakanyang sa Kongreso ang desisyon kung gagawa ang mga ito ng batas para gawing mandatory o sapilitan ang pagpapabakuna kontra COVID-19 sa bansa.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, magiging mandatory lamang ang pagbabakuna kung mayroong batas ukol dito.

Aniya, patuloy na pinag-uusapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga posibleng legal na usapin patungkol sa naturang mandato.


Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na nakasalalay sa mga Local Government Unit (LGU) kung maglalabas ang mga ito ng ordinansa sa pagbabakuna o maaaring higpitan na lamang ang galaw at requirements ng mga hindi pa bakunadong indibidwal.

Matatandaan sa ‘Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, nagpahayag siya ng pagsuporta sa mandatory na pagpapabakuna kontra COVID-19 kung gagawa ng rekomendasyon ang IATF.

Facebook Comments