Isinusulong ng Quezon City LGU ang isang anti-road rage ordinance upang matiyak na hindi mauulit sa lungsod ang mga nakakabahalang karahasan sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorista.
Sa kaniyang inihaing resolution, nais ni 5th District Councilor Aiko Melendez na magkaroon ng mas mahigpit na patakaran para sa aplikasyon at renewal ng gun ownership.
Katuwang ang Quezon City Police District, rerepasuhin din ang protocols sa mga papayagang humawak ng baril sa lungsod.
Pahihigpitan rin ng lady councilor ang drug test sa mga motorista at magkakaloob din ng libreng tulong gaya ng psychiatric test.
Sakaling maaprubahan, ang mga masasangkot sa road rage incident ay pagmumultahin ng mula P25,000 hanggang P50,000.
Umaasa si Coun. Aiko, na susuportahan ng mga konsehal ang naturang panukala na inaasahang makakatulong upang mapababa ang kaso ng krimen sa Quezon City.