Manila, Philippines – Plano ngayon ng Mababang Kapulungan na pag-aralan ang batas tungkol sa Philippine Economic Zone Authority of PEZA.
Ito ay kasunod na rin ng nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila na ikinasawi ng 38 katao kabilang na ang gunman.
Ayon kay House Committee on Games and Amusement Gus Tambunting na nais nilang i-review ang PEZA Law lalo na ang may kinalaman sa fire safety.
Iginiit ni Tambunting na dapat ay sakop ng Bureau of Fire Protection ang pagbibigay ng fire safety inspection certificate at pagresponde sa isang sunog, nasa ilalim man ng PEZA o wala.
Sang-ayon naman si Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu sa panukala ni Tambunting.
Marapat lamang anya na ang mga gusali na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng PEZA ay sumunod sa fire code na sinusunod sa ilalim ng BFP.
Kapag anya nangyari ito, kaagad makakaresponde ang mga tauhan ng BFP kung may maganap na sunog sa mga establisemento na sakop ng PEZA.
Mababatid na nagkaroon ng kalituhan kung sino ang responsable pagdating sa mga safety fire inspection at codes katulad ng sa Resorts World.