All-set na ang Mababang Kapulungan para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama’t ito ang unang pagkakataon na hindi lahat ng mambabatas, mga opisyal ng pamahalaan, VIPs at ilang mga bisita ay makakadalo sa SONA, hindi naman nagbago ang mahigpit na seguridad na ipinapatupad sa loob at labas ng Batasang Pambansa.
Ngayong umaga pa lamang ay nakapwesto na sa north at south gate ng Kamara ang mga K-9 units habang may mga nakaabang na ring mga ambulansya malapit sa clinic ng Batasan.
Mahigpit na rin na chine-check ng mga nakatalaga sa gate ng Mababang Kapulungan ang mga pumapasok na sasakyan kahit ito pa ay sa mga kongresista para naman sa pagbubukas ng sesyon ngayong umaga.
Nakatalaga na rin ang ilang Presidential Security Group (PSG) sa north at south wing ng gusali kung saan dadaan sa disinfection tent ang mga kongresista, senador at ilan pang dadalo na bisita.
Ang RTVM at PTV4 ay nakapwesto na rin sa labas ng session hall para sa live broadcast at feed na ibabato sa lahat ng mga istasyon ng telebisyon at radyo para masaksihan mamaya ang SONA ni Pangulong Duterte.
Sa labas ng Batasan mamaya ay inaasahang dadami pa ang mga pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na magbabantay habang sa loob ng Kamara ay inaasahang 500 security personnel ang magbabantay, hiwalay pa rito ang mahigit 100 PSG na kasama rin sa magbibigay seguridad sa Pangulo.
Nakahanda na rin ang red carpet sa “rear entrance” na dadaanan ng Pangulo pagdating at diretso na ito sa loob ng plenaryo ng Kamara.
Ngayong umaga ay sumailalim naman sa rapid test ang mga kawani ng Kongreso at mga dadalo sa SONA kung saan kahapon din ay unang sumailalim na ang mga ito sa swab test.