Kinuwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang legal na batayan ng pagkakaroon ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 na bahagi ng ₱221 million na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa pagdinig sa ₱2.38 billion 2024 budget ng OVP, tinanong ni Pimentel kung papaano nagkaroon noong nakaraang taon ng confidential funds ang tanggapan ng ikalawang pangulo gayong wala ito sa mismong pondo ng OVP sa ilalim ng 2023 national budget.
Kinumpirma naman ni Vice President Sara Duterte ang impormasyon, pero aniya, noong Agosto 2022 ay humiling sila ng confidential fund at Disyembre 2022 nang ito ay ibinigay sa kanila.
Pero giit dito ni Pimentel, maituturing itong budget augmentation dahil wala ito sa line item ng ahensya.
Tugon naman dito ni VP Duterte, ang DBM ang makasasagot sa paglilipat ng pondo sa OVP at sila naman ay nag-comply sa mga requirements na hiningi sa kanila para sa nasabing pondo
Samantala, tumagal ng mahigit isa’t kalahating oras ang pagdinig sa budget ng OVP sa Senado na kadalasan ay tumatagal lang ng 15 hanggang 30 minuto.
Nagbabad ang mga senador sa pagtatanong tungkol sa confidential at intelligence fund ng ahensya na aabot ng ₱500 million para sa taong 2024.
Kabilang naman sa primary mandate na isusulong ni VP Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan ang pagkakaroon ng permanenteng opisina at residence ng Vice President, ang Vice President Museum at ang batas para sa charter ng OVP.