Pumanaw na sa edad na 46 ang batikang mamamahayag at direktor na si Cesar Apolinario.
Kinumpirma mismo ng GMA Network, ang istasyong pinagtratrabahuan ni Apolinario nang halos dalawang dekada, ang balita nitong Biyernes ng hapon.
“We are deeply saddened by the passing of our Kapuso, Cesar Apolinario, Jr., who peacefully joined his Creator today, December 13, 2019. A loyal Kapuso, his dedication to his craft as a news reporter, producer, and public affairs host will continue to serve as an inspiration to all,” bahagi ng official ng statement ng GMA 7.
Nadiskubreng may sakit na lymphoma o cancer of the lymphatic system ang journalist, Agosto nang kasalukuyang taon.
Na-confine siya sa pagamutan noong Nobyembre 12 sanhi ng pneumonia at sepsis.
Bago sumabak sa propesyon ng pamamahayag, naging cameraman at researcher siya sa ilang kilalang programa ng Kapuso network.
Isa din siya sa mga senior news producer ng GMA News at host ng magazine show na “I-Juander”.
Bukod sa pagiging reporter, nakilala din si Apolinario bilang direktor ng mga pelikulang “Puntod” (2009), “Dance of the Steel Bars” (2013), at “Banal” (2008), kung saan nanalo siyang best director sa Metro Manila Film Festival.
Taong 1998 nang magtapos sa kursong Communication Arts sa University of Santo Tomas (UST) ang yumaong journalist-director.
At noong 2016, ginawaran si Apolinario ng “Outstanding Thomasian Alumni” award ng nasabing unibersidad.
Iaanunsyo sa mga susunod na araw ang detalye ng burol at libing ni Apolinario.