Batikang mamamahayag na si Twink Macaraig, pumanaw na

From Twitter/Twink Macaraig

Pumanaw na ang batikang mamamahayag na si Twink Macaraig nitong Martes, Enero 14 matapos ang ilang taon na pakikipaglaban sa sakit na cancer.

Kinumpirma mismo ng kaniyang home network na TV5 ang malungkot na balita.

Bago maging “Kapatid” noong Pebrero 2012, naging anchor siya sa programang “Dateline Philippines” at “The Brew” ng ABS-CBN News Channel (ANC).


Bukod sa pagiging premyadong journalist, nagtrabaho siya bilang part-time faculty member at lecturer sa College of Mass Communication ng University of the Philippines (UP).

Siya rin ay dating Filipino bureau chief ng Channel News Asia (CNA) sa Singapore.

Taong 2000 nang ma-diagnose si Macaraig na may sakit na breast cancer.

Idineklara siyang cancer-free sa mga nagdaang taon pero muling bumalik ang malubhang karamdaman noong Agosto 2016.

Sa panayam ng “Reaksyon” sa naturang taon, sinabi ng veteran journalist na ipinauubaya na niya sa Diyos ang buhay.

“I will spend my time on this earth and then when I have to go, I’ll be ready,” ani Macaraig.

Sa kaniyang pahina noong Marso 24, 2019 sa pahayagang “The Philippine Star”, inilahad ng News5 anchor ang mga dahilan niya kung bakit patuloy pa rin ang pakikibaka sa breast cancer.

“Because not fighting would ignore the very real option that still exists: the handful of brave, honorable souls putting their lives on the line on the firm belief that the Filipino people can get better; can choose to get better; deserve better. They represent, if not a cure, the lone path to a cure too late for my benefit, perhaps, but for the next generation.”

Naulila ni Macaraig ang mister na si Architect Paulo Alcazaren at isang lalaking anak.

Facebook Comments