Hindi pabor ang batikang political analyst na si Atty. Edward Chico sa isinusulong na Charter Change sa Kongreso.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag nito na may tatlong paraan para baguhin ang konstitusyon batay sa Saligang Batas.
Ito ang ang Constituent Assembly, Constitutional Convention at People’s Initiative.
Sa ilalim ng Con-Ass, magsasama ang Senado at Kamara at kailangan na makakuha ng ¾ na boto para desisyunan na baguhin ang ilang probisyon lamang at hindi ang buong saligang batas.
Habang sa Con-Con naman ay maaaring i-overhaul ang konstitusyon pero ang taong bayan ang maghahalal ng deligado na siyang magdedesisyon sa pagrebisa.
Sa ilalim naman ng People’s Initiative, kinakailangan ng 12 percent na pirma ng national voters sa bansa at 3-percent ng pirma sa kada distrito kung saan dito ang taong bayan ang magdedesisyon para sa amyendahan ang konstitusyon.
Pero para kay Atty. Chico, masyado pang bata ang ating konstitusyon para baguhin.
Mas mainam aniya na siguraduhin na ipinatutupad nang maayos ang mga polisiya at batas ng pamahalaan habang maging creative naman ang Kongreso para makagawa ng paraan para matugunan ang ilang problema sa ating Saligang Batas.
Nangangamba kasi si Chico na sa sandaling nagalaw ang economic provision ay posibleng maabuso ito at magalaw rin ang ilan pang probisyon ng Saligang Batas gaya ng term limit ng mga politiko.