Batikang radio broadcaster na si Neil Ocampo, pumanaw na sa edad na 62

Ang Radio Mindanao Network at DZXL-Radyo Trabaho ay nagluluksa sa pagpanaw ng batikang radio broadcaster na si Radyoman Neil Ocampo.

Si Radyoman Neil ay kasama na ngayon ang ating Panginoong maylikha matapos na sumakabilang buhay kahapon sa edad na 62.

Inumpisahan ni Radyoman Neil ang kaniyang broadcast career sa DZXL noong 1980 at makalipas ang ilang dekada ay muli itong bumalik sa kaniyang unang tahanan, ang DZXL-Radyo Trabaho noong October 19, 2019 para sa programang ‘Todo Arangkada Balita’ na umi-ere tuwing Sabado, alas-10:00 ng umaga.


Nakilala ang batikang brodkaster bilang ‘total news-tertainer’ dahil sa pag-gaya nito ng iba’t ibang boses ng mga politiko at personalidad kabilang na sina Jejemon Tonyo, Tongressman Atras Abante, kiskis flavor at Pareng Erap.

Tumatak din sa mga tagapakinig ni Radyoman Neil ang napakahaba niyang introduction na ‘magandang magandang magandang… umaga po’!” at ang kaniyang signature background music na ‘Hawaii Five O’.

Muli ang DZXL-Radyo Trabaho ay nakikiramay sa pamilyang iniwan ni Radyoman Neil Ocampo!

Paalam Radyoman!

Facebook Comments