Bato dela Rosa, ‘nabuburyo na’ sa usapin ng human rights violations

Pagod na raw makinig si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa mga paratang na human rights violations sa bansa.

Kasunod ito ng panawagan sa gobyerno ng 11 independent human rights experts na payagan ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

“Human rights? Nabuburyo na ako diyan. Wala na ‘kong gana makinig diyan. Kayo, pabalik-balik kayo diyan. Pabayaan niyo na ‘yan. Nabuburyo na ako… ‘yung mga ganyang issue,” ani dela Rosa.


Katwiran ng baguhang senador, “Matagal na ‘yan eh, Ilang years na ‘yan. Wala naman nangyayari.”

Para kay Bato, gusto lamang ipalabas ng mga grupo na ang di-umano’y extrajudicial killing sa bansa ay state-sponsored at walang ginagawang aksyon ang pamahalaan sa sinasabing pang-aabuso ng pulisya.

Tinawag niya ring ipokrita ang sinumang nagsasabi na walang ginagawa ang gobyerno kaugnay ng isyu.

“Wala bang ginagawa ang gobyerno natin diyan? Pinapabayaan ba ‘yan? Kung sabihin mong wala, well, hypocrite ka,’ aniya.

Ayon pa kay dela Rosa, ang bilang ng mga pulis na naipakulong sa pang-aabuso ay isang patunay na hindi hinahayaan ng gobyerno ang human rights violation mula sa kapulisan.

Si dela Rosa ay dating Philippine National Police (PNP) chief simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte at ipatupad ang kontrobersyal na war on drugs sa bansa.

Facebook Comments